Akala Ko Ba Isinuko Mo Na Ang Lahat?
Mahal ka niya.
Oo, kapatid, mahal ka Niya.
Mahal ka Niya at mahal Niya din ako.
Damang-dama ko ang bawat linya dahil minsan naging kagaya mo.
Ilang taon ding naging masaklap ang aking pasko.
Mababaw, mga ngiting hindi tagos at kagalakang baloktot.
Ngunit, tama ka, nang dumating Siya sa buhay ko, hindi ko maipaliwanag sa kahit anumang salita ang saya ng aking pasko.
Pasko
Pasko
Pasko ang bukambibig ngayon ng mga tao.
Oo, pasko ngayon ngunit marami pa ang hindi alam ang tunay na kahulugan nito.
Maraming sumasabay sa pagdiriwang na hindi pa talaga kilala si Jesu Cristo.
Na Siyang dahilan kung bakit ngayo’y may tunay na kagalakan.
Ang aking Panginoon na ipinakita sa akin ang kanyang pagmamahal at katapatan.
Naranasan ko ang lalim ng kanyang pagpapala at awa sa maraming paraan.
Napakalawak . Hinding hindi mo masusukat at walang hangganan.
Labis ang aking galak na Siya ang aking Pastol at ako ay napasama sa kanyang kawan,
Na Siya ang aking Maestro at ako ay kanyang lingkod sa kabila ng pagkukulang.
Ito ang kaibig-ibig na katotohanan na tumutulak sakin na ituloy lang ang laban.
Ang pag bigay liwanag niya sa aking buhay,
Ang pag gabay niya sakin papunta sa inyo na pamilyang tunay,
ay parte lamang ng kanyang pagmamahal at kabutihan,
Ng kanyang katapatan, ng kanyang pagpapala at awa para sa kanyang kaanakan.
Na kahit saang sulok man tignan ang buhay ko ay hindi ako karapatdapat, ang kanyang katuwiran ang nagsilbing daan upang ako’y maisali sa pag-didisipolong layunin ng Kanyang simbahan.
Kaya’t lubos na lamang ang aking pagdarasal na ako’y gawing matatag na kawal,
Upang tuwing pasko’y marami na ang may hawak ng liwanag at tunay na pagmamahal.
Alam niya.
Alam niya ang laman ng puso ko.
Alam niya ang sabik at ang pag-aalalang kaakibat nito.
Isama mo pa ang mga responsibilidad at mga pangakong di dapat mapako.
Ngunit nangingibabaw ang pagnanais ng puso,
Na Siya’y hanapin at sa Kanyang piling mas maging malapit ako.
Sa mga dinadalangin, hinihiling, pinaghahandaan at iniluluhod ko sa Panginoon sa paskong darating,
Ako’y pinaalahanan Niya sa malawak na mga planong inihanda para sakin,
Sa taas ng tuktok ng pagiging disipolo na nais niyang aki’y marating,
Sa mga hamon ng buhay na nais niyang malampasan ko, natin…
Para sa mga kaluluwang nagdurusa, nawawala at kailangang mailigtas at kabigin.
“Ako’y handa na,” ang bukambibig ng mga labing hinugot sa pusong akala ko’y binago na ng panahon.
Oras, Araw, Linggo, Buwan at ilang taon.
Oras, Araw, Linggo, Buwan at ilang taon.
Oras, Araw, Linggo, Buwan at ilang taon.
Pasko’y muling nanlamig at puso’y tila nalason,
Hindi ako nakapaghanda sa bagyong dumating at humahamon.
Ako’y nanghina.
Nadapa.
Biglang nagbago ang isip,
Hangin biglang naiba ang ihip.
Nanlamig sa Panginoon,
Tumalikod sa Kanya di lumaon.
At naitanong ko sa sarili nang marapat,
AKALA KO BA ISINUKO MO NA ANG LAHAT?