top of page

Tapos Na


Narrator:

Mahirap mangyaring ialay ninuman ang kanyang buhay alang-alang sa isang taong matuwid, kahit na may maaaring mangahas na gumawa nito alang-alang sa isang taong mabuti. Ngunit ipinadama ng Diyos ang kanyang pag-ibig nang, habang tayo’y makasalanan pa, namatay si Cristo para sa atin. (Mga Taga-Roma 5:7,8)

Person 1:

Mahirap.

Napakahirap.

Napakahirap isalaysay ang pagkamatay ng aking minamahal.

Pinipilit kong maigalaw ang aking mga kamay upang maisulat itong mga titik at letrang alam kong tila para sa inyo’y kay dali na lamang pakinggan.

Mahirap.

Napakahirap ilagay sa papel kung paano Niya iginapang ang kalbaryo ng walang pagsisisi.

Bawat pag-guhit ng aking lapis ay parang kurot sa pusong nananabik na makita Siyang muli,

Masilayan ang mukhang minsan nang walang anyo, walang katangian o kagandahang makatawag-pansin

Mukhang napuno ng sugat, dugo at luha na kailanmay hindi ko kayang pawiin.

Mahirap.

Napakahirap ibukas ang mga bibig at sabihin ang mga katagang magbabalik buhay sa kanyang pagdurusa

Pagdurusang hindi ko man tunay na mailarawan

Pipilitin kong ang mga labing ito’y maihayag ang katotohanan.

Oo hindi ko tunay na mailalarawan.

Walang kahit anong salita,

Walang kahit anong diwa at wika,

Walang kahit anumang larawan at pagsasadula

Ang makapagsasalaysay kung gaano kasakit at gaano kahirap

Kung gaano kalungkot at gaano kasaklap

Ang kanyang pinagdaanan, ang kanyang ipinaglaban,

Hinamak at itinakwil, binalewala na parang walang kabuluhan,

Hindi umimik, ngunit wala man lang nagtanggol sa kanyang kalagayan.

Mahirap.

Napakahirap isalaysay ang pagkamatay ng aking minamahal.

Kailan nga ba naging madali ang isipin, isulat, ilarawan at ihayag kung paano dinurog ang kanyang pusong nagmamahal upang ako’y mabuhay ng matagal.

Wala nga namang madali sa pag-ibig. Wala.

Lahat ay tatatagan mo. Lalakasan mo ang loob. Titibayan mo ang iyong puso.

Mahirap ngunit tatatagan ko. Lalakasan ang munting boses at matuwid na tatayo.

Titibayan ang loob at pusong mahina.

Ihahayag ang pag-ibig ng aking minamahal. Ihahayag ito sa abot ng aking makakaya.

Person 2:

Ang lakas ng loob mong mag salita tungkol sa pag-ibig?

Anong alam mo sa pagmamahal?

Ikaw.

Ikaw ang dumurog sa puso ng Maykapal.

Hinamak. Pinabayaan. Itinakwil. Inalipusta.

Ikaw ang kumitil sa buhay Niya.

Ikaw at ang kasukdulan ng ‘yong kalamnang mahalay,

‘Yan ang nag baon sa mga pakong tumagos sa Kanyang mga kamay.

Ikaw at ang karumihan ng ‘yong puso’t pag-iisip,

‘Yan ang nag lagay sa Kanyang ulo ng koronang tinik.

Bawat hampas. Bawat sapak. Bawat dura at pagbagsak.

Ikaw at ikaw ang dahilan.

Ikaw at lahat ng ‘yong mga kasalanan.

“Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”

Ang iyak ng Panginoong Jesus na hinding hindi ko makakalimutan.

Hindi ko lubos maisip kung gaano kasaklap ang Kanyang naramdaman

Na nagawa Niyang itanong sa Panginoong Ama ang Kanyang kalagayan.

Gayunpaman,

Manhid ka!

Napakamanhid mo!

‘Yan ang totoo.

Dahil sa tuwing tumatalikod ka sa Kanya,

Para mo na ring ipinakong muli sa krus

At dinala sa kahihiyan ang Anak ng Dios.

Ang dali mo namang makalimot.

Ang bilis mong nalingat, naaliw sa mundo at tumalikod.

Ngayon ba’y kahit alaala mo’y pinagkanulo ka na?

Ang kasaysayan ng kamatayan Niya, sa puso mo’y naglaho na ba?

Hindi na ba sariwa sa isip mo

Na habang inaalipusta Siya at pinapako

Ang tanging hiling Niya

“Ama, Ama, patawarin mo sila,

Hindi nila alam ang kanilang ginagawa.”

Gayunpaman,

Minsa’y kay tigas din ng ‘yong puso.

‘Wag mong sabihin sa’kin na Siya’y iniibig mo

Kung hanggang ngayon hindi mo pa isinasabuhay ang bunga ng kaligtasan na inalay Niya sa’yo.

Tak! Tak! Tak!

Pula,

Sa hapon ng Kanyang paglisan at pagkawala.

Pula,

Ang luhang umaagos sa Kanyang mga mata.

Pula,

Ang pawis sa katawan Niya’y iyong makikita.

Pula, oo,

Naging kulay pula ang lupa ng kalbaryo,

Kinulayan ng bawat patak at pagdanak ng Kanyang dugo.

“Nauuhaw ako,” mahirap ma’y inilaban Niyang bigkasin.

Dumilim ang paligid. Umiba ang ihip ng hangin.

Tak! Tak! Tak!

Patuloy na tunog ng dugong pumapatak.

Umabot na sa kasukdulan ang Kanyang paghihirap.

Nahati ang belo, gumuho ang templo ng ganap.

Mula sa tuyo at sugatang labi Kanyang ibinigkas

Mga katagang naghulma ng ating tadhana at wakas,

Kasama ng hangin, ibinulong ng mahina,

Puno ng pagmamahal, kalakip ang awa,

“TAPOS NA!”

Tapos na, anak.

Ika’y malaya na.

Featured Posts
Recent Posts
Archive
Search By Tags
No tags yet.
Follow Us
  • Facebook Basic Square
  • Twitter Basic Square
  • Google+ Basic Square
bottom of page