Isang Tuldok Sa Mapa
Narrator: Matthew 25:29-31 Pag-alis doon, nagbalik si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea. Umakyat siya sa bundok at naupo upang magturo. 30Nagdatingan naman ang napakaraming taong may dalang mga pilay, bulag, lumpo, pipi, at marami pang ibang maysakit. Dinala nila ang mga ito sa paanan ni Jesus at sila'y pinagaling niya. 31Kaya't namangha ang mga tao nang makita nilang nakapagsasalita na ang mga pipi, gumaling ang mga lumpo, nakakalakad na ang mga pilay, at nakakakita na ang mga bulag. Kaya't pinuri nila ang Diyos ng Israel. Spoken Poetry: Isang tuldok lamang sa mapa’y naging makulay ang panahon. Makulay, oo, maganda, marikit, mahinahon. Larawan ng kasiyahan at pagbubunyi, kaibig-ibig at marilag. Sumasayaw sa hangin ang mga dahong luntian at dilag. Pero naisip mo na ba kung ano ang maganda sa mata ng isang bulag? Alam mo ba kung anong tunog ang mapayapa sa mga pandinig ng isang bingi? Nakarinig ka na ba ng isang magandang awit mula sa bibig ng isang pipi? Paano nga ba’ng isang sulok ng kuwartong ito’y maaaring napakaliit lamang para sa iyo, ngunit para sa isang taong walang matirhan, ito’y maaari na niyang gawing tahanan. At kung ang iilang metro ay maaaring maging isang maikling lakad lamang para sa iyo, kapatid, ito’y mahirap tawirin para sa isang lumpo. Isang tuldok lamang sa mapa’y naging makulay ang panahon. Makulay sa mga matang malayang tumanaw at lumingon. Malayang mamasdan ang kulay ng bahaghari sa maambong hapon. Kayang titigan ang bughaw na langit at panoorin ang pagdaan ng mga ibon. Sa araw-araw na binigay ng Dios upang mamasdan ang mundong kanyang nilikha Minsa’y nakakaligtaan ko nang magpasalamat sa mga matang kanyang ibiniyaya. Matang malayang masilayan ang mukha ng aking minamahal, Matang nagturo sa akin kung gaano kaganda ang sagot sa aking mga dasal. Ngunit minsa’y natanong ko, sa mga matang bulag na nasanay na sa dilim, Ano ang maganda? Ano ang makulay? Kung ang buong araw sa kanya’y laging takipsilim. Maaintindihan ba nya kung gaano kaganda ang paglubong ng araw? Paano ko ilalarawan sa kanya ang pagsibol ng mga bulaklak at ang ganda nitong umaapaw? Naalala ko ang kwento ng dalawang bulag sa daan palabas ng Jerico, Ramdam ko ang kanilang pagsigaw ng marinig ang pag daan ni Jesus, “Mahabag po kayo.” “Ano ang gusto ninyong gawin ko para sa inyo?” ang tanong ng Dios sa kanila. At ang tangi nilang sagot, “Panginoon, gusto po naming makakita.” Nahabag si Jesus sa kanila at hinipo ang kanilang mga mata. Agad silang nakakita, at sila'y sumunod sa kanya. Napagtanto kong ako’y walang pinagkaiba, Hindi man bulag ang aking dalawang mata, Noo’y bulag sa katotohanan at pagkakasala, At maraming beses naging bulag ang puso sa kanyang pagpapala. Masyadong nadilim ng kalungkutan o pagluluksa, Natakpan ng pagmamalaki, pagiging makasarili o pagkukulang sa pag-unawa. “Panginoon, gusto ko pong makakita,” ito ang aking naging dalangin. Ako’y kanyang dininig at ngayo’y naging maliwanag ang aking paningin. Naging mas malawak ang aking pananaw sa buhay, Tanaw ko, di lang ang ngayon at bukas, kundi pati na ang habambuhay. Napakasarap pakinggan ang ganitong katotohanan, Habambuhay kong masasaksihan ang kanyang kabutihan. Kasama nang mga awit ng papuri at pasasalamat, Sumisigla ang puso ko sa tuwing naririnig ang mga pangako nyang sapat. Napakasarap pakinggan sa mga taingang nag-aasam ng sagot, Kasabay ang huni ng mga ibon at bulong ng hanging malambot, Dinig na dinig hanggang puso ang wika ng kanyang pag-ibig, ‘Di ko masukat, ‘di ko mawari, mapayapa sa pandinig. Ngunit minsay natanong ko, sa mga taingang bingi na nasanay na sa katahimikan, Ano ang magandang awit o mapayapang tunog? Kung ang ingay sa kanya’y walang kahulugan. Paano ko ipapaliwanag ang napakagandang tunog ng ukulele at gitara? Dapat ba ‘kong maging masaya na hindi nya alam ang tunog ng karahasan at iyak ng pagluluksa? Habang ako’y malayang sabihin ang lahat ng ito, Malayang ibuka ang bibig at sabihin ang katotohanan sa inyo, Alam ng aking puso na minsa’y naging pipi din sa pagpapahayag ng maraming bagay, Mga katagang sanay noon pa sinabi, ngayo’y huli na ang lahat upang akin pang isalaysay. Kaya’t puso koy puno ng galak at pagbubunyi sa kanyang paglunas na walang kawangis, Gaya ng paggaling ng lalaking bingi at pipi sa lawa ng Galilea at Decapolis, Si Jesus ang Siyang nahabag at nag bukas na aking mga tainga, Nagkalag sa tali na pumipigil sa aking dila, ngayo’y malinaw ng nakakapagsalita. Ngayo’y malaya ng makinig na walang bias at paghuhusga, Malayang kantahin ang Kanyang mga kanta, Malayang sabihin ang mga katagang ”Oo”, “Salamat” at “Patawad na!” Malayang ipahayag ang damdamin at sabihing “Mahal Kita!”. Oo, Mahal Kita. Isang malaking karangalan ang mapaglingkuran ka. Dumaan man ang panahong naging lumpo sa pag lingkod Sa’yo, Salamat at ako’y ibanangong muli at hinayaang sa pananalig ay makatayo. Ang mga bulag ay makakakita, at makakarinig ang mga bingi. Ang mga pilay ay lulundag na parang usa, aawit sa galak ang mga pipi. ‘Yan ang pangakong pinanghahawakan hanggang ngayon, Kaya’t ito ang aking dalangin anuman ang dumaang panahon: Bagama't di namumunga ang puno ng igos at hindi rin namumunga ang mga ubas, kahit na maantala ang pamumunga ng olibo at walang anihin sa mga bukirin, kahit na mamatay lahat ang mga tupa at mawala ang mga baka sa kulungan, magagalak pa rin ako at magsasaya, dahil si Yahweh ang Diyos na magliligtas sa akin. Ang Panginoong Yahweh ang sa aki'y nagpapalakas. Tulad ng usa, tiyak ang aking mga hakbang, inaalalayan niya ako sa mga kabundukan. (Habakuk 3:17-19)