Kung Baliktad Ang Takbo ng Buhay
Dahil may Dios na sa aki’y nag-aangat, buhay ko ngayo’y puno ng saya. ‘Yan ang akala ng lahat, ‘yan ang akala nila. Ako’y walang pag-asa, Buhay ko’y napakagulo. ‘Yan ang ngayon. ‘Yan ang totoo. “Basta’t kasama ko ang Diyos, lahat ay malalampasan.” Ako’y hindi na naniniwala d’yan. Isang malaking kasinungalingan. Dahil sa hirap ng buhay hindi na maka-alis sa maling landas. Paulit-ulit kong paliwanag upang marinig nila ng malakas. “Nakilala ko ang Diyos kaya’t kilalanin mo siya at ika’y Kanyang ililigtas” ‘Yan ang sabi ng mga kaibigan kong nakakaubos ng oras. “Magiging masaya ba ako kung ang ikot ng buhay ay paatras?” ‘Yan ang tanong ng panahong lumipas. “Kung babaliktarin ang takbo ng buhay, wala ba akong pagsisisihan pag dating ng wakas?” Haharapin at lalampasan ang kamatayan, Pagkatapos ay sa Home For The Aged ang aking magiging tahanan. Kukuha para sa sarili ng isang pilak na relo at kakayod sa trabaho. Gagawin ang lahat ng paraan para matapos sa kolehiyo, Lulunurin ang sarili sa bisyo at mag-aaliw. Ihahanda ang sarili para pumasok sa Senior High at makita ang aking giliw. Hanggang naging isang bata at pumunta sa grade school, maglalaro at walang alalahanin. Ngayon nama’y ang panahon ng pagiging sanggol ay lulubusin. Pagkatapos ay maninirahan ng siyam na buwan sa loob ng sinapupunan ni Nanay. Ang buod ay positive result ng Pregnancy Test dahil si Inay at Itay ay nagmamahalang tunay. Napagtanto kong kung isasalaysay ay ganito kaikli ang buhay ng bawat nilalang. Kahit pa baliktarin ang takbo ng buhay, ito ay sandali lamang. Kahit ano pa man ang maging huli, Gano’n at gano’n pa din. Nanatili ang katotohanang ang buhay ay maikli, Masakit mang sabihin. Wala na talaga akong pag-asa, Kailan nga ba ako magiging masasaya?
(Then read everything backwards.)