top of page

Naghihintay Sila


Akala ko ba isinuko mo na ang lahat?

Batid ko ang tanong mo.

Akala ko ba isinuko mo na ang lahat?

Paulit-ulit itinatanong sa sarili at tanong na ibabato din sa inyo.

“Kayo ang ilaw ng sanlibutan. Ang isang lungsod na nakatayo sa ibabaw ng isang burol ay hindi maitatago,” sabi ng ating Amang Diyos.

Ngunit tila pundidong ilaw meron ako, meron tayo.

Masyado kang makasarili at lasing sa’yong mundong ikaw lang din ang gumawa. Mundong sarili mo lang ang naroon at hindi mo magawang sumilip sa bintana at tingnan ang totoong mundong naghihintay sa’yo, naghihintay na maging matatag ka, naghihintay na tuparin mo ang hinandang plano ng Diyos upang dalhin ang lahat sa pagsisisi at pagbabago, naghihintay na malagpasan mo ang pagsubok na pinayagang mangyari ng Panginoon upang matuto ka, mundong naghinhintay na isuko mo na ang buhay mo ng buong-buo, upang sila naman, upang SILA naman ang atupagin mo at malaman nilang may pag-ibig na naghihintay sa kanila, na may kaligtasan at buhay na walang hanggan na matagal nang gustong ipahatid ng Diyos sa puso nila.

Bibigyan kita ng ilang litrato,

Litrato ng mundong naghihintay sa’yo.

Maaring alam mo.

Maaring hindi mo alam.

Maaring hindi mo gustong malaman.

Maaring wala tayong paki-alam.

Ito ang ilan sa mga naghihintay sa’yo.

Malapit na ang pasko, malapit na ang pasko

Ngunit tatlumpo’t isa ang nagkakasakit ng HIV araw-araw sa bansang ito.

Maaaring hindi mo alam, oo, dahil makasarili ka.

Araw-araw. Tatlumpot isa.

Hindi ko na mabilang sa kamay kahit isama ko pa ang aking mga paa.

Araw-araw. Tatlumpo’t isa.

Lagpas sa baynte kwatro, ibig sabihin sa isang oras may nagkakasakit nito malapit na sa dalawa.

Pwedeng sabihin nating dahil lamang ‘yun sa pagiging makasalan nila.

Kaibigan, huwag tayong mapaghusga.

Babalik at babalik sa atin ang minsang binato nating puna.

Si Neneng. Si Neneng ay sanggol pa lamang. Sanggol pa lamang may HIV na.

Ilang pasko, ilang pasko nalang kaya ang aabutan niya?

Tinatanong ko BAKIT? Bakit ang isang sanggol, na halos hindi pa maidilat ang kanyang mga mata,

Na sa ilalim ng kanyang maliliit na mga braso at bente ay mga ugat na dinanadaanan ng dugong sinakop na ng karamdaman.

Karamdamang walang lunas at dala-dala na niya hanggang sa huling himlayan.

Sanggol na ang alam lang ay umiyak, matulog at magpahinga sa inang kandungan.

Bakit?

Bakit?

Paulit-ulit kong tanong.

Ang sagot ay masaklap, hindi ko masikmura, parang tinik na hindi mawalawala.

Ang sagot ay mapait at masakit, parang desyertong walang ulan, ngunit ito ang katutuhanan.

Ang sagot ay dumadaloy sa luha ng kanyang mismong ina, na siya palang naka hawa kay Neneng noong ipinagbubuntis pa lamang siya. May HIV ang kanyang ina, at ngayon ay napasa ito sa kanya.

Inang nahawaan lang din nang kanyang ama.

Amang nakuha ito sa mga babaeng bayaran na kinakasama niya.

Mga bayarang babae na naging hanap buhay na ang pagbinta ng katawan sapagkat sa musmos na edad ay ginawang bugaw na nang kanilang sariling ina.

Sariling ina na wala na sa kanyang matinong pag-iisip dahil lolong na sa masamang bisyo at droga.

Drogang natutunan niyang gamitin sa impluwensya ng barkada.

Barkadang naging karamay niya sa mga panahong wala siyang mapuntahan sa tuwing binubogbog siya ng kanyang sariling ama.

Sariling ama na parating lasing at puso’y puno nang galit, poot at panghihinayang kung bakit, kung bakit may kinakasamang kapwa lalaki ang lalaki niyang panganay.

Panganay niyang lalaki na nagawang umibig sa kapwa lalaki, na kung babalikan ang dahilan ay nagsimulang nalito sa kanyang pagkakakilanlan

noong siyay binatilyo pa lamang. Noong hinanap ang kapalaran sa ibang bansa, naging biktima ng human traficking, nakulong, at doon sa kulungan ay ilang beses ginahasa at pinagsamantalhan.

Nailigtas, naka-uwi, ngunit wasak ang puri at dignidad.

Ayon, nalito na sa kanyang pagkakakilanlan at sa kapwa lalaki nakahanap ng katahimikan.

Katahimikan.

Katahimikang panandalian.

Napakalungkot.

Napakalungkot at napakadilim ng mundong kanilang ginagalawan.

Naisip ko. Malapit na ang pasko at mapupuno ng mga selebrasyon ang mga tahanan, gusali at daan.

Ngunit hindi pa rin matatakpan ng mga kulay at masasayang musika ang poot, galit, sakit, lungkot at pagdurusa ng mga taong kagaya ni Neneng, ng kanyang ina, ng kanyang ama, at lahat ng nakadugtong sa kanilang storya.

Sino?

[ALEXA] Sino ang magbibigay liwanag sa dilim na sinakop na ang buhay nila?

[BILL] Sino ang magbibigay liwanag upang matagpuan ang susi na kakalas sa mga gapos ng kadena?

[AICO] Sino ang magbibigay liwanag na magsisindi ng kalayaan sa kulungang akala nilay wala ng pag-asa?

[ALEXA] Kung nasaksaktan ka para sa kanila, may mas nasasaktan at nanabik na iligtas sila sa putik ng kasalanan na lumulonod sa kanilang mga pusong unti-unting pinapatigas na ng panahon.

[AICO] Ang Makapangyarihang Diyos, ang Amang Maylikha, na nilalang ang tao ayon sa kaniyang sariling larawan. Nang kanyang makita ang napakaraming tao, nahabag siya sa kanila sapagkat sila'y nababalisa at nakakaawa, na gaya ng mga tupang walang pastol. Sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Napakarami ng aanihin, subalit kakaunti ang mga manggagawa. “

[BILL] Kapatid, umayos ka na.

[BILL] Dalhin mo ang pag-ibig ng Diyos at ipangaral ang Kanyang salita na magbibigay liwanag sa madilim na mundong kinagagalawan nila.

[AICO] Isuko mo na ang sarili.

[ALEXA] Isuko mo na siya.

[BILL] Isuko mo lahat lahat na.

Featured Posts
Recent Posts
Archive
Search By Tags
No tags yet.
Follow Us
  • Facebook Basic Square
  • Twitter Basic Square
  • Google+ Basic Square
bottom of page